Victims of Military abductions surfaced due to Writ of Amparo
Full text of the writ of Amparo can be found here

Printed copies available, email rbahaguejr [at] gmail [dot] com

Wednesday, May 04, 2005

Para sa May 1 Labor Day Celebration

Naiisip kita, Ama.
Ibon Andres
4 May 2005

Hindi tayo nag-abot nang linggo.

Madalang ang iyong pagdating
sa dalawang kwartong upahan;
nating mga itinulak ng lalawigan,
sa tulugang magkakadikit mga katawan
nating mga naghahabol ng katahimikan.
Sa dalawang upuan ng mesang
madalas himutok ang nakahain,
sa maliit na kusinang
niluluto ang mga pangarap sa buntung-hininga,
Balisa ang aking paghihintay.

Ang iyong asawa higit sa altar
maging sa himutok at pagtitimpi,
sa iyak at tawa-sa madaling saglit,
na nangingibang bahay at nagsusumamo sa amo,
Sa kakaunting barya'y
hinuhugot ang buntong-hininga,
hinihilot ang balakang upang sa gabi'y mahimbing,
sa mga pangarap at tagumpay,
Nangingiliid mga luhang kasama'y ngiti
habang pinakakain ang mga ugat sa maikling banig
Pagkat ang gabi'y paglaya.

Ang iyong asawa'y nahihimbing na sa iyong pagdating.

Sunog ang iyong balat sa maghapong paglikha.
Manhid ang iyong baga sa nagliliparang alikabok.
Pinanday ng martilyo't maso ang iyong mga braso.
Giniginaw ang iyong likod sa tumatagaktak na pawis.
Ang iyong ilampung kasama'y
Higit ang pagkasunog ng balat,
pamamanhid ng baga sa inaakalang sariwang hangin,
na pinaluluwa ang ugat ng semento't buhangin,
at inaanod ang lakas ng bumabahang pawis at uhog.
kapwa pinalalakas ang mga katawan
ng pansit na lumalangoy sa tubig.

Madalas ang pagdating ng among naghahari
sa palasyong nililikha ng iyong mga kamay.
kaya't hindi magkamayaw ang pagkasunog, pagkamanhid at alingasaw ng pawis
sa katawang puhunan ng inyong pagkabuhay.

Sa pagsapit ng gabi,
matatahimik ang konstruksyon ng ilang oras,
mabubuhay ang iyong katawan at isip
sa pagkasunog, pagkamanhid, pagpapanday at alingasaw ng pawis.
Dasal ko'y kung hawak lamang natin produksyon
wala ng madalas na pagkasunog, pagkamanhid, pagpapanday
at alingasaw ng pawis
at sa bawat linggo, kapiling kita.


CAPkilusangWelga
Mural in the May 1 Labor day Celebration in the Philippines

No comments: