Mula sa inq7.net, "Bishop urges new kind of people power".
Ang EDSA 2 ay isang responsableng pagkilos ng mamamayan upang tanggalin sa pwesto ang corrupt na administrasyon ni Joseph Estrada. Walang pagkakamali rito. Hindi rin ito nakakapanghinayang. Ikalawang pagkakataon na ginawa ito ng mamamayan. Ito ay mangyayari muli.
Nanawagan ang mga obispo ng bagong uri ng People Power. Ano ang dapat bago rito? Ang pagkilos ay siguradong katulad pa rin ng EDSA 1 at 2. Malakihang pagbuhos ng mamamayan sa lansangan upang isigaw ang Sobra na! Tama na! Palitan na! (Kumilos na!) Walang makakadaig sa kolektibong aksyon ng mamamayan sa pagkakataon na ang legal na sistema ng pag-aayos ng gusot sa pamahalaan ay binabastos ng mga namumuno dito.
Pero paano ito magiging bagong uri o tipo? Sa kasalukuyang sistema, kung saan ang nasusunod at nagkakaroon ng pagkakataon upang mamuno sa bansa ay ang mga may hawak o sunud-sunuran sa may malalaking negosyo at mayroong malalawak na lupain na magpapatuloy sa pagtatanggol ng kanilang pakinabang imbes na pakinabang ng mamamayan, imposible ang bagong uri ng people power. Magpapalit ng corrupt na pamahalaan at mapapalitan muli ng isa pang corrupt na pamunuan.
Ano ang patutunguhan kung gayon ng panawagan ng mga Obispo? Mauuwi ito sa sama-samang communal action na ang action ay pagdarasal. Ngunit sa dami ng nagdarasal upang makalagpas sa kahirapan, walang tinutugon dito hanggat walang pagkilos. Hindi ang pagdarasal ang communal action. Ito ay dapat katulad ng mga naunang Edsa.
Subalit magiging bagong tipo lamang ang People power kung ang mamamayan mismo ay mananaig upang itayo ang isang pamahalaan na interes nila ang isinusulong at pinagtatanggol. Subalit ang interes ng mamamayan ay madalas kaiba ng interes ng iilang nais mamuno sa kasalukuyan. Ang interes ng 80% populasyon ng magsasaka ay magkaroon ng sariling lupang sasakahin na hindi ipapahintulot ng Conjuangco at iba pa. Balikan ang hacienda luisita. Maraming dugo ang ibinuwis upang magkaroon ng tagumpay. Ang pagtaas ng sahod ng manggagawa ay kabangga ng interes ng mga may-ari ng kompanya. Sa bawat pagtaas ng sahod nangangahulugan ito ng pagkawala ng tubo sa may-ari ng kompanya. Handa ba ang mga Obispo sa ganitong pagbabago?
Katulad din ng kompyuter, ang lipunan ay maaring i-reformat kapag corrupted na ang buong system.
Pero kaiba sa kompyuter na ang pag-reformat ay nagagawa ng nakaupo habang humihigop ng kapeng mainit. Ang pag-reformat ng lipunan ay hindi maaaring nakaupo at komportableng humihigop ng kape ang mga sangkot. Siguradong may tilamsik ito ng dugo.
Sa ganito lamang may pagbabago. Sa pagkakataong ito, bagong uri ang people power.
Printed copies available, email rbahaguejr [at] gmail [dot] com |
Wednesday, February 20, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment